Sunday, August 17, 2008

Sayang


Isang upuan sa loob ng isang pamantasan. Para sa karamihan, ito ay napapawalang-bahala lamang. Ngunit para sa iba, ito ay isang palatandaan na may kalalagyan sila sa loob ng silid aralan.

Isipin natin, nararapat ba tayong maupo sa lugar na kinalalagyan natin ngayon? Atin bang naisasaisip at naisasapuso ang mga leksyon na matiyagang itinuturo sa atin ng mga propesor na mas maliit pa ang sweldo kesa sa isang security guard? Oo nga, lumiliban sila sa ating mga klase kung minsan dahil sa mga kalamidad tulad ng baha, trapik o kung ano pa man, pero dahil ba sa nakakaligtaan nila ang kanilang tungkulin bilang guro ay dapat na rin nating kaligtaan ang ating tungkulin bilang isang mag-aaral?

Nakakaligtaan na rin ng ating gobyerno ang kanyang tungkulin bilang isang institusyon na dapat sana ay nagbibigay sa atin ng dekalidad at murang edukasyon na maaaring makamit ng sinumang makakapasa sa mga panukatang inilatag nito. Ngunit ano ang tugon natin dito? Wala. OO, meron siguro. meron siguro pagkatapos ng quiz, ng assignment, ng mga rekisitos na binigay ni mam at ser, ng thesis, ng paper, ng recitation, pagkatapos magpahinga, kumain, magsaya, at kung ano pa man. Sayang lamang at nauwi rin sa gitna ng libro at papel ang katalinuhang inaantay sana ng bayan mong nagpaaral sa yo na gamitin para sa ikabubuti nya. ngunit sino ba ako upang pangaralan ka?

Sa mga kumikilos at ipinaglalaban ang karapatan ng ating mga kababayan, wag ninyo sanang kalimutang nag-aaral din kayo. walang makikinig sa inyo kung lahat kayo ay nasa labas ng pamantasan. sayang ang pagkakataon upang lalong matuto. OO, totoo na ang bayan at ang realidad ng buhay ay isang magandang tagapagturo, ngunit ang mga taong mismong sa pamantasan nag-aaral ay hindi nakikinig sapagkat ang respeto ay nawawala. pano nga ba makukuha ang respeto? mag-aral kayo. kunin nyo ang lugar na kinatatayuan ng isang upuan sa loob ng silid. makinig. magmatiyag. makiisa. kung tulong-tulong lang sana tayong lahat ay mas madaling makakamit ang sinasabing tagumpay.

Isang pagpupugay sa mga kabataang nag-aaral pa rin hanggang ngayon. sila na ginamit ng mahusay at mabuti ang kanilang mga upuan. sila na hindi lumiban sa klase, bagamat may isa o higit pang trabaho. sila na kahit sangkatutak na sideline na ay hindi pa rin lumiliban sa klase upang makapagturo. sila na hindi umalis sa pamantasan upang habulin ang pera sa ibang mga pamantasang lutang. sila na hindi dapat nag-aaral, ngunit ginawan pa rin ng paraan, at nagtagumpay. sa mga hindi pinalad na makapasok sa pamantasan, ngunit nagpursige pa rin at nakapag-aral, at ginamit ang natutunan para sa ikauunlad ng sarili at ng bayan, saludo ako sa inyong lahat.

ang litratong ito ay isang imahe. imahe ng isang mag-aaral na sana ay nakapasok, ngunit hindi nagawang makuha ang pagkakataong ito. imahe ng bawat mag-aaral na pinagbawalang pumasok sa pamantasan dahil walang maipambayad.

kung nakakapag-aral pa rin kayo ngayon, saludo ako sa inyo..

ang isang upuan sa loob ng isang silid-aralan ng isang pamantasang hirang. pamantasang tahanan ng giting at tapang. nawa ay maging salamin ito para sa ating lahat na nagawang maupo sa upuang ito. tanungin na natin ang ating mga sarili.

ANO NA NGA BA ANG NAGAWA KO SA PAG-AARAL KO?

No comments: