Mas masarap yata to ikwento sa tagalog. Hehe.. mga kwentong bus daw o. ayos. Hindi ito yung bus na de aircon ah. Eto yung bus na regular. Yung sinasakyan ng karamihan sa ating hindi gaanong kalakihan ang laman ng bulsa matapos ang isang araw ng pagtatrabaho o kaya’y pag-aaral. Yung sinasakyan ng mga nagtitipid tulad ko kapag malamig naman ang panahon at hindi gaanong brutal at nagpapawis ang aking balat. Eto yung bus ng masa. Eto ang pinakamalapit sa tao, at sya ring pinakanaglalaman ng mga samu’t saring kwento ng pakikibaka, pagtatagumpay at kasiyahan sa gitna ng laganap na kahirapan at paghihikahos dulot ng mga garapal sa itaas at ng mga nagpapatakbo sa kanilang mga banyaga.
Nung igala ko ang tingin ko sa mga pasahero ng bus noong gabing yon, nakita ko ang mga pagmumukha ng mga taong pagod, at kung minsan naman ay, kuntento sa kanilang nagawa ngayong araw. Sila’y mga manggagawa, mga estudyanteng dugyot tulad namin, mga klerk ng department store, mga trabahador sa pabrika at kung anu-ano pang mga samut-saring trabaho. Dito ko naisip na, ito ang realidad ng lipunang ginagalawan ko. Dito rin nagsimulang umagos ang daloy ng inspirasyon na bumalot sa aming dalawa ng aking kasama rin sa bus. Sa hindi inaasahang pagkakataon, napagnilayan namin ang aming mga minimithi, mga pangarap at mga gustong makamit pagkatapos mag-aral. Napag-usapan din namin ang realidad ng buhay dito sa pilipinas, mga nakaraang nakakawiling ungkatin tulad ng mga ala-ala nung hayskul, mga nakaraan ng ibang tao, mga ex boyfriend nya, mga taong hindi marunong magbasketbol at ang tatak ng pulitika na umiiral dito sa ating bansa.
Malaking tulong din pala ang paglanghap sa tunay na hangin, mabaho man ito o hindi. Masangsang man ang amoy ng hanging ito o kaya’y mabango, hinding hindi mawawala mula rito ang katangiang ito ay buhay, kabaligtaran ng hangin na lumalabas mula sa bibig ng isang air conditioner, na bagamat malamig ay likhang tao lamang na hindi nagtataglay ng buhay.
Tinanong ako ng aking kasama kung bakit napili kong mag-aral sa UP manila.
Ganito ang nasabi ko sa kanya.
Tignan mong maige ang paligid mo, walang mga puno di ba? Walang lilim, walang proteksyon mula sa kalikasan. Ano ba ang andito sa Maynila? Walang iba kundi ang katotohanan ng mga nangabubuhay dito. Ang kahirapan, ang masangsang na amoy, ang kriminalidad, ang hindi kasiguruhan ng iyong buhay at ang nakakapasong init ay araw-araw na hinaharap ng mga tao rito upang mabuhay pa ng isa pang araw at nang sa gayon ay panatilihing buhay ang kanilang pangarap na kasaganahan. Sa tingin ko’y kapag nalampasan mo ang apat na taong kurso sa peyups maynila ay maari mo nang harapin ang ano mang kalokohan na pwedeng ibato sa iyo ng buhay.
(medyo pinapogi ko yung nasabi ko, pero eto rin naman yung punto nun e. haha.)
delikado ba kamo sa diliman? Subukan mong dumaan sa pedro gil ng gabing gabi. Tignan natin kung di ka masaksak pag napagtripan ka ng mga kumag dun.
Pangarap kong magduktor. Hindi dahil sa pera. Hindi para sa angas. Hindi para sa karangalan. Gusto kong gawing mas mainam ang kalusugan ng mga taong nagkukumahog magtrabaho upang may maipakain sa kanilang sarili. Gusto kong tulungan ang putang nagbebenta ng kanyang laman para lamang mapaaral ang nakababatang kapatid, ang manggagawang sumasali sa kilos protesta upang siguruhin ang kaayusan ng kinabukasan ng kanyang mga anak, ang guro na walang sawang nagbabahagi ng kanyang kaalaman hindi lamang sa kanyang asignatura kundi pati na rin sa kanyang kaalaman ukol sa buhay. Nais kong tulungan ang mga maliliit na mga mamamayang ito, na kahit wala sa upuan ng kapangyarihan ay nakakakita pa rin ng paraan upang makatulong sa pagsasaayos ng lipunang sinira ng patuloy na pananamantala mula sa mga nakakataas. Nais kong tulungan silang maging malusog, nang sa gayon ay mabuhay pa sila ng isa pang araw upang ipaglaban ang kanilang mga paniniwala’t adhikain.
Ito ang kwento ng isang tao na sumakay ng isang regular na bus. Isang tao na kahit papaano ay naisagawa ang mga ipinukpok sa kanya ng kanyang mga propesor sa kolehiyo. Ang taong kahit papaano’y naanalisa ang katotohanang tumambad sa kanyang harapan. Isang taong nag-iisip. Hindi na ignorante. At higit sa lahat, isang taong mulat.
No comments:
Post a Comment